CAUAYAN CITY – Determinado ang may-ari ng isang taxi na ninakaw sa Muntinlupa City at narecover sa Tuguegarao City na kasuhan ng carnapping ang dalawang suspek.
Sa action na ginawa ng Santiago City Police Offcie (SCPO) ay natagpuan sa isang talyer sa Tuguegarao City ang tinangay na taxi ni Sherwin San Roque,34 anyos at residente ng Valenzuela City.
Ayon kay G. San Roque, namamasada ang kaniyang tsuper sa Muntinlupa City nang may dalawang lalaki ang umagaw sa taxi saka binaril sa mukha ang tsuper na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Sa tulong ng GPS na nakakabit sa taxi ay natukoy na dinala sa region 2 ang sasakyan kaya sila nagtungo rito at sa pagpasok nina San Roque sa Isabela ay nagpatulong sila sa Station 2 ng SCPO.
Pinag-aralan nina P/Chief Insp.Reynaldo Maggay, hepe ng Station 2 ang mga lugar at bahay kalakal na nakalagay sa GPS at natuklasang dinala sa Tuguegarao City ang taxi.
Agad na nakipag-ugnayan ang station 2 sa Tuguegarao City Police Station at agad na nagtungo sa lugar kung saan nahuli na aktong binabaklas ng dalawang suspek ang nasabing sasakyan.




