Isa na namang malaking tagumpay ang natamo ng aktres na si Katrina Halili matapos niyang tanghaling Best Actress sa World Class Excellence Japan Awards.
Ibinahagi ni Halili ang naturang tagumpay sa kanyang social media account kung saan nagpahayag siya ng pasasalamat sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya, kabilang ang kanyang pamilya, mga kaibigan, katrabaho at mga tagahanga.
Ayon sa aktres, isang malaking karangalan para sa kanya ang pagkilalang natanggap at itinuturing niya itong bunga ng kanyang patuloy na pagsisikap na mapaghusay ang kanyang kakayahan sa pag-arte.
Tinanghal si Halili bilang Best Actress in a TV Series para sa kanyang pagganap sa Mommy Dearest.
Ang World Class Excellence Japan Awards ay isang Japan-based recognition program na nagbibigay-pugay sa mga natatanging indibidwal sa iba’t ibang larangan kabilang ang entertainment, negosyo, pageantry at public service.
Bago ang naturang pagkilala, pinarangalan din si Halili bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang AbeNida sa Emirates Film Festival noong 2024.






