--Ads--

‎Kilo-kilong hinog at mamula-mulang kamatis ang itinambak at itinapon sa gilid ng kalsada sa Barangay Bonfal East matapos hindi mabili at tuluyang masira dahil sa kakulangan ng mamimili, ayon sa mga awtoridad ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Julio Basilan, Agricultural Production Sales and Marketing Officer ng NVAT, nilinaw niyang hindi over supply ang pangunahing dahilan ng pagtatapon ng kamatis kundi ang kakulangan ng buyers sa kanilang terminal. Aniya, dahil sa mainit na panahon, mabilis masira ang mga hinog na kamatis at tumatagal lamang ng isa hanggang tatlong araw bago tuluyang mabulok.

Ayon kay Basilan, mas pinipili ng ilang mamimili na kumuha ng suplay mula sa Nueva Ecija, Pangasinan at Ilocos Region dahil mas malapit ito sa kanilang pamilihan at mas mababa ang presyo. Dahil dito, nababale-wala ang mga kamatis na dinadala sa NVAT, lalo na ang mga over riped o labis na hinog na produkto.

Ipinaliwanag din niya na may umiiral na “back to farm policy” ang NVAT kung saan ibinabalik sa pinanggalingang bukid ang mga kamatis na hindi nakapasa sa pamimili. Gayunman, aminado siyang may mga pagkakataong sa gilid ng kalsada na lamang naitatapon ang mga ito, lalo na kung limitado ang espasyo sa dumpsite ng terminal.

--Ads--

Sa kasalukuyan, ang break-even price ng fresh at kulay berdeng kamatis sa Nueva Vizcaya ay nasa ₱18 kada kilo. Subalit dahil sa matinding kompetisyon at pagsunod sa batas ng supply and demand, bumabagsak ang presyo ng hinog na kamatis hanggang ₱5 kada kilo para sa large size at ₱3 kada kilo para sa medium size. Umaabot naman sa ₱50 ang isang crate o kahon na may 23 kilos ng over riped na kamatis na hindi naibenta sa loob ng ilang araw.

Nagsimulang maramdaman ang pagbagsak ng presyo noong Huwebes, Pebrero 19, nang mapansin ng NVAT at mga nagtitinda ang mabagal na galaw ng kalakalan ng kamatis sa kanilang lugar.

Bagaman mahigpit na ipinagbabawal ng NVAT ang pagtatapon ng mga kamatis sa gilid ng daan, aminado ang pamunuan na hindi ito ganap na napipigilan sa tuwing bumabagsak ang presyo at nasisira ang mga paninda.

Sa kabila nito, nananawagan ang NVAT sa mga magsasaka at mamimili na magtulungan upang maiwasan ang pag-aaksaya ng ani at mapanatili ang maayos na daloy ng kalakalan ng mga produktong agrikultura sa lalawigan.