--Ads--

Matapos ang ilang buwang pananahimik sa social media, muling nagbigay ng update ang “Queen of All Media” na si Kris Aquino ukol sa kanyang kalagayang pangkalusugan.

Sa isang maikling video na ipinost ni Kris sa kanyang Instagram account ngayong Lunes ng madaling araw, Agosto 11, makikita siyang nasa wheelchair habang kasama ang anak na si Bimby, papasok sa ospital.

Ayon kay Kris sa kanyang caption, sinadya niyang hindi agad magbigay ng update tungkol sa kanyang kalusugan dahil sa takot na baka itigil ng mga tao ang kanilang pagdarasal para sa kanya kapag nalaman ang tunay na lagay niya.

Dagdag ni Kris, dumarami ang kaniyang autoimmune diseases at ang mga karamdaman niya ngayon ay nangangailangan ng matapang na desisyon.

--Ads--

Aniya, mahirap para sa kaniya ang tanggapin na na gabi-gabi ay iniisip niya na maaaring wala nang bukas para sa kaniya.

Ibinahagi rin ni Kris na kailangan niyang sumailalim sa panibagong treatment na aabot ng anim hanggang walong oras kada session sa loob ng anim na araw, kung saan siya’y mananatili sa preventive isolation ng anim na buwan.

Aniya, isa ito sa pinakamalalakas na autoimmune immunosuppressants kasama ng dalawa pang gamot kung saan isa ay iniinom araw-araw, at isa naman ay iniinject para tuluyan nitong wawasakin ang kaniyang immune system.

Desidido naman si Kris na magpagamot matapos ang dalawang buwang pananatili sa isang pribadong beach property na ipinahiram ng isang aniya ay ““kind and generous family” na ang layunin ay ang kanyang paggaling at pagbabalik ng pananampalataya sa kagalingang kaloob ng Diyos.

Sa kasalukuyan, maninirahan si Kris sa isang compound sa Tarlac na tinatawag nilang “Alto,” kasama ang kanyang mga pinsan sa panig ng Cojuangco.

Ibinahagi rin ni Kris ang tungkol sa kanyang panganay na si Josh, na kasalukuyang nakatira sa piling ng isa sa kaniyang pinsan matapos itong ma-trauma dahil sa sunod-sunod na pagpanaw ng kanyang Lola Cory Aquino, Tito Noynoy Aquino, at sa madalas umanong nakikita na mahina ang kaniyang kalagayan.

Sa kanyang mahabang post, pinuri rin ni Kris ang kanyang bunsong anak na si Bimby na hindi bumibitaw at patuloy siyang inaalagaan.

“He is heaven’s gift, my optimistic adult who reminds me I should ‘never surrender,” ani Kris.

Nagpasalamat din si Kris sa mga ospital at medical staff na patuloy na tumutulong sa kanyang paggaling, gayundin sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanyang pagbangon.

Sa huli, muling humiling ng panalangin si Kris. “Please continue praying, kailangan na kailangan ko.”