--Ads--

Iginiit ng isang mambabatas na wala umanong malinaw at sapat na batayan ang ilang alegasyon na nakapaloob sa inihain na impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, sinabi nitong ang mga rason na binanggit sa impeachment complaint ay pawang bahagi lamang ng ginagampanang tungkulin ng Pangulo bilang punong ehekutibo ng bansa.

Isa sa mga binanggit sa reklamo ay ang umano’y pagpayag ng Pangulo sa pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa The Hague. Ayon kay Rep. Ridon, saklaw ito ng kapangyarihan ng ehekutibo at bahagi ng pagtupad ng bansa sa mga kasunduan sa Interpol, partikular sa pagpapatupad ng international arrest warrant. Dahil dito, aniya, malabo itong magsilbing sapat na batayan para sa impeachment.

Ikalawa namang isyu ang paggamit ng unprogrammed appropriations. Ayon sa mambabatas, umiiral na ang ganitong uri ng pondo mula pa noong 1989. Kung gagamitin umano itong batayan ng impeachment, tila lalabas na lahat ng mga naging pangulo na lumagda sa pambansang badyet na may unprogrammed appropriations ay nakagawa rin ng impeachable offense.

--Ads--

Dagdag pa ni Rep. Ridon, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa umanong desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing ipinagbabawal sa Pangulo ang pagpirma sa badyet na may unprogrammed appropriations.

Samantala, hinggil naman sa alegasyon ng graft and corruption, sinabi ng mambabatas na kulang pa umano sa detalye ang mga paratang. Wala pa rin aniyang naihahaing mga affidavit na magpapatunay na direktang nakatanggap ang Pangulo ng kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sa ngayon, sinabi ni Rep. Ridon na titingnan muna kung ang impeachment complaint ay may sufficient in form at sufficient in substance. Gayunman, pakiramdam niya ay maaari itong magkaroon ng problema hindi lamang sa porma kundi pati na rin sa nilalaman, at posibleng hindi rin makakuha ng sapat na suporta mula sa mga kinatawan ng Kamara.

Dagdag pa niya, kinakailangang talakayin muna nang masinsinan ang nilalaman ng reklamo bago ito umusad sa House Committee on Justice.