--Ads--

Inihayag ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan na substandard ang ginawang flood control project sa Barangay Alicaocao, dahilan kung bakit ito gumuho kahit bagong tayô pa lamang. Dahil dito, nananawagan ang konseho na panagutin ang contractor ng proyekto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Paolo Eleazar Delmendo, sinabi niyang napagkasunduan ng City Council na ipagbawal na ang lahat ng substandard na proyekto sa lungsod at ipa-blacklist ang Ma. Tesoro Construction, ang kumpanyang responsable sa nasabing proyekto.

Dagdag pa ni Delmendo, isinusulong din ng konseho na ideklarang Persona Non Grata ang contractor sa buong lungsod bilang babala sa iba pang construction firms na kailangang tiyakin ang kalidad ng kanilang mga proyekto.

Matatandaang naging isyu ang flood control project matapos itong gumuho kahit hindi pa nagtatagal mula nang ito’y gawin. Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na hindi sinunod ng contractor ang tamang disenyo at proseso ng konstruksyon, dahilan upang ituring itong substandard at delikado para sa mga residente.

--Ads--

Ayon kay Delmendo, kahit pa iginiit ng contractor na hindi pa tapos ang proyekto, malinaw umano na mahina at hindi matibay ang pagkakagawa, kaya ito agad bumagsak kahit sa mahinang ulan pa lamang.

Lumilitaw sa Sumbong sa Pangulo Website na ito ay natapos na o considered completed, kaya nagdudulot ito ng kalituhan sa estado ng proyekto.

Tiniyak naman ng contractor na aayusin nila ang proyekto, dahil saklaw pa ito ng kanilang kontrata, kabilang ang rehabilitasyon.

Giit ng City Council, dapat palitan o baguhin ang buong estruktura ng flood control, dahil kung pareho pa rin ang paraan ng pagkakagawa, maaari pa itong magdulot ng panganib sa mga residente, lalo na sa panahon ng tag-ulan.