Isang L300 van ang nabagsakan ng tumumbang punongkahoy sa kalsadang sakop ng Brgy. San Rafael, Roxas, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Leonard Mamerga, hepe ng Roxas Police Station, sinabi niyang habang binabagtas ng L300 van ang pambansang lansangan, biglang tumumba ang isang punong Gmelina at bumagsak sa harapang bahagi ng sasakyan.
Nasira ang unahang bahagi ng van at nagtamo ng minor injury ang tsuper na si Gilbert Saddol, isang solar panel installer at residente ng Brgy. Simimbaan, Roxas, Isabela, matapos tamaan ng bubog mula sa nabasag na windshield.
Ayon kay PCpt. Mamerga, marupok na ang naturang punongkahoy at halos wala nang ugat na sumusuporta rito kaya ito tuluyang bumagsak.
Dahil sa insidente, nakaranas ng power interruption at pagsikip ng daloy ng trapiko ang lugar bunsod ng laki ng punong humambalang sa kalsada at nadaganan ang ilang kable ng kuryente.
Matapos ang humigit-kumulang tatlumpong minuto, naibalik ang suplay ng kuryente at naalis mula sa kalsada ang nakaharang na puno pati na ang nabagsakang sasakyan.
Makikipag-ugnayan naman ang kapulisan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagputol ng mga sanga ng punongkahoy sa gilid ng kalsada.
Nagpaalala rin si PCpt. Mamerga sa publiko na kung may marurupok na puno sa paligid ng kanilang mga bahay, ay nararapat na putulin o bawasan ang mga sanga nito upang maiwasan ang mga aksidenteng tulad ng nangyari sa nasabing lugar.











