--Ads--

Kinumpirma ng mga awtoridad sa Mexico na ang mga labi na natagpuan sa silangang estado ng Veracruz ay pag-aari ng mamamahayag na si Roxana Guzman, isang kaso na muling nagbigay-pansin sa lumalalang banta sa kalayaan sa pamamahayag sa bansa.

Si Guzman, direktor ng crime news, ay dinukot mula sa kanyang tahanan noong Hunyo 2 matapos pasukin ng mga armadong kalalakihang nakamaskara ang kanilang bahay. Kumalat din sa social media ang video ng insidente.

Ayon sa mga ulat, matapos umano siyang patayin, sinubukan ng mga salarin na tunawin ang kanyang katawan gamit ang mga drum na may lamang gasolina. Kalaunan, nakarekober ang mga awtoridad ng mga kalansay na labi sa nasabing lugar.

Sa ngayon natapos na ang forensic examination at napatunayang ang mga natagpuang labi ay kay Guzman.

--Ads--

Iniulat din ng mga awtoridad na walong katao na ang naaresto kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa mamamahayag. Kabilang dito ang apat na pulis mula sa bayan ng Ixhuatlan del Sureste, na matatagpuan humigit-kumulang 300 kilometro sa timog ng lungsod ng Veracruz.

Pinaniniwalaang nagbigay ang mga pulis ng mga kagamitan, pagkain, at logistical support sa grupong sangkot sa krimen.

Samantala, dalawa pang mamamahayag ang napatay ngayong taon dahil sa kanilang trabaho. Ayon sa organisasyon, umabot na sa sampu ang bilang ng mga mamamahayag na napatay mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Claudia Sheinbaum noong Oktubre 2024.

Dahil dito, muling nabigyang-diin ang reputasyon ng Mexico bilang isa sa mga pinakamapanganib na bansa sa mundo para sa mga mamamahayag at manggagawa sa media.