--Ads--

Nanawagan si Senate President Panfilo “Ping” Lacson sa publiko na agad i-report sa mga awtoridad ang mga gasolinahang maagang nagtataas ng presyo ng langis bago ang itinakdang schedule ng oil price adjustment.

Ayon kay Lacson, ang maagang pagtataas ng presyo o labis na pagbili ng langis para iimbak ay maaaring lumabag sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 at Consumer Act of the Philippines. Maaaring managot ang mga lumalabag sa ilalim ng mga probisyon laban sa hoarding, profiteering, at mapanamantalang pagbebenta.

Pinayuhan ng senador ang publiko na i-report sa Philippine National Police (PNP) at sa kanilang lokal na pamahalaan ang mga establisyementong lumalabag sa patakaran. Aniya, mahalaga ang aktibong pagbabantay ng mamimili upang maprotektahan sila laban sa anumang abuso sa presyo.

Kaugnay nito, nagbigay na rin ng direktiba ang Department of Energy (DOE) sa PNP at mga lokal na pamahalaan na bantayan at i-report ang mga paglabag upang agad maisampa ang kaukulang kaso laban sa mga operator ng gasolinan.

--Ads--

Habang naghahanda na ang publiko sa panibagong pagtaas ng presyo ng langis sa bansa, inaasahan itong tumaas dahil sa pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado, kasunod ng tensyon sa Middle East.

Ayon sa pagtataya, maaring tumaas ang presyo ng kerosene ng hanggang P24.92 kada litro, diesel ng P19.62, at gasolina ng P10.43 kada litro. Inaasahang iaanunsyo ang pinal na oil price adjustment sa Lunes, Marso 9.