CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng Solano Police Station ang Number 9 most wanted person regional level sa Caranglan, Nueva Ecija na haharap sa kasong panggagahasa.
Ang akusado ay si Johnny di tunay na pangalan, tatlumpot siyam na taong gulang at residente ng Solano, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na naganap ang paratang na panggagahasa ng akusado sa kanyang labing walong taong gulang na katrabo sa boarding house sa Barangay Bonfal, Bayombong noong 2016.
Matapos ang lumabas ang mandamiyento de aresto ng akusado ngayong taon ay agad na rin siyang inaresto ng pulisya.
Hindi na nakatanggi pa ang akusado nang siya ay arestohin.
Wala namang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Ayon pa kay Maj. Aggasid, patuloy naman ang ginagawa nilang hakbang upang maiwasan ang anumang krimen gaya ng pangagahasa katulad ng pagpunta sa mga barangay upang ipaalam ang karapatan ng mga kababaihan at maaaring kaharapin naman ng mga nagbabalak gumawa ng nasabing krimen.