Isang 46-anyos na lalaki sa China ang nabuhay nang walong taon na may nakabarang 12-centimeter na stainless steel chopstick sa kanyang lalamunan—isang pambihirang kaso na ikinagulat ng mga doktor.
Kinilala ang pasyente na si Mr. Wang. Ayon sa ulat, aksidente niyang nalunok ang chopstick walong taon na ang nakalilipas habang kumakain nang lasing. Nakaranas siya ng pananakit at pakiramdam na may nakabara sa lalamunan, ngunit hindi naapektuhan ang kanyang paghinga.
Inirekomenda noon ang operasyon na mangangailangan ng paghiwa sa leeg, ngunit dahil sa takot, pinili niyang huwag na itong ipagawa at tiniis ang sintomas.
Kamakailan, lumala ang kanyang kondisyon nang makaranas siya ng matinding sakit sa lalamunan na hindi na tinatalaban ng pain reliever. Dinala siya sa Dalian Municipal Central Hospital para sa agarang gamutan.
Sa X-ray, natuklasan ang mahabang metal object sa kanyang lalamunan. Ayon sa mga doktor, maaari itong makasira sa mga blood vessel kung hindi agad maaalis.
Sa pamamagitan ng minimally invasive procedure, matagumpay na natanggal ang chopstick nang hindi na kinakailangang hiwain ang leeg nito. Matapos ang ilang araw, mabilis na nakarekober ang pasyente.
Nagpaalala ang ospital: agad magpatingin sa doktor kung may nalunok na foreign object upang maiwasan ang komplikasyon.





