TRIGGER WARNING. SENSITIVE TOPIC!
Natagpuang wala nang buhay ang isang 27-anyos na lalaki na umano’y nagbigti sa Purok 5, Barangay Sangbay, Nagtipunan, Quirino nitong Martes ng hapon, Mayo 12.
Ang naturang lalaki ay itinago sa alyas na “Dodong” na residente ng naturang barangay.
Batay sa ulat ng Nagtipunan Police Station, dakong alas-2:00 ng hapon nang humingi umano ng pera ang si Dodong sa kanyang kinakasama upang pambili ng alak.
Gayunman, tumanggi umano ang babae dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ. Prospero Agonoy, Officer-in-Charge ng Nagtipunan Police Station, sinabi nito na nauwi sa pananakit ang komprontasyon matapos umanong suntukin at sipain ni Dodong ang kanyang live-in partner.
Agad namang naawat ng kanilang mga kamag-anak ang dalawa at umalis ang biktima matapos ang insidente.
Makalipas ang halos dalawang oras o dakong alas-4:00 ng hapon, natagpuan na lamang ng pinsan ng lalaki ang wala nang buhay na katawan nito na nakabitin sa sanga ng isang barsik tree malapit sa ilog gamit ang kulay brown na nylon rope na nakapulupot sa kanyang leeg.
Ayon sa pulisya, tinatayang isang kilometro ang layo ng pinangyarihan ng insidente mula sa bahay nito.
Sinabi rin ni PMAJ. Agonoy na kumbinsido ang live-in partner at mga kaanak ni Dodong na walang naganap na foul play sa insidente.
Nagpasya rin umano ang pamilya na huwag nang ipa-autopsy ang bangkay at hindi na humingi ng tulong sa Quirino Provincial Forensic Unit.
Samantala, muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na mahalagang humingi ng tulong at makipag-usap sa pamilya, kaibigan, o mga propesyunal sa oras ng matinding problema at emosyonal na pinagdaraanan.





