--Ads--

Nasawi ang isang 29-anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng isang sari-sari store sa Barangay Dingading, San Guillermo, Isabela nitong hapon ng Marso 29, 2026.

Kinilala ang biktima na si Rodel Villamil, isang welder at residente ng Purok 4 ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-3:30 ng hapon sa isang tindahan sa Purok 1, at iniulat sa San Guillermo Municipal Police Station dakong alas-3:50 ng hapon.

Batay sa paunang imbestigasyon, nasa loob ng tindahan ang biktima kasama ang isang saksi na si alyas Nenya nang dumating ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo. Lumapit umano ang isa sa mga suspek at nagpanggap na bibili ng energy drink.

Habang kinukuha ng biktima ang binili nito, sinundan siya ng suspek at bigla na lamang pinaputukan ng tatlong beses, na naging sanhi ng kanyang agarang pagbagsak sa loob ng tindahan. Dahil sa takot, tumakbo at nagtago ang saksi.

--Ads--

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Barangay Guam.

Agad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar at nadatnan ang biktima na duguan at nakahandusay. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng mga suspek.

Nagsagawa na rin ng follow-up investigation ang mga awtoridad, siniguro ang crime scene, at nakipag-ugnayan sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen.