Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng limang beses ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Nungnungan II, Cauayan City kagabi, March 12, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kag. Marlon Ventura, Peace and Order Committee ng nasabing barangay, bandang 10:00 ng gabi ay naipagbigay-alam sakanya na may isang tao na binaril, kaya agad silang nagpunta sa lugar ng insidente.
Pagdating sa area, nadatnan nila ang isang lalaking nakahandusay sa tabi ng kaniyang tricycle na may limang tama ng bala sa dibdib. Bagamat nakamulat pa ang biktima noong unang matagpuan, idineklarang patay na ito makalipas ang ilang sandali.
Kinilala ang biktima bilang si Arman Joshua Faustino, residente ng San Fermin. Ayon sa ulat, wala umanong ilaw o CCTV sa pinangyarihan ng insidente, kaya naman hinihinala ng mga awtoridad na ito ay isang planadong pag-atake.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril. Hiniling ng barangay at ng mga awtoridad sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa kaso.
VIA – Bombo Girlie Baniaga











