Patay ang isang motorista matapos bumangga sa kasalubong nitong tricycle sa Brgy. Casalatan, Cauayan City, Isabela bandang 7:30 ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Roberto Andres, 40 anyos self-employed, at residente ng Brgy. Ara, Benito Soliven, Isabela.
Sa ulat ng Cauayan City Police Station, si Andres ang nagmamaneho ng isang Rusi ZX 125 motorsycle nang makabanggaan niya ang minamanehong tricycle na pagmamay-ari ni Jaime Itable , 43 taong gulang at mula sa Brgy. Sinippil, Cauayan City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, parehong bumabaybay sa Provincial Road, P-1, Brgy. Casalatan ang dalawang sasakyan ngunit magkasalungat ang direksyon ng mga ito. Papunta sa Casalatan Proper si Fontanilla habang papunta naman ng Barangay San Pablo si Itable.
Pagdating sa isang pakurbang bahagi ng kalsada, sinasabing pumasok sa linya ng kasalubong na sasakyan si Andres, dahilan upang magbanggaan sila ng tricycle ni Itable.
Agad na isinugod ang dalawang biktima sa pinakamalapit na pagamutan ng Rescue 922, ngunit idineklara nang dead-on-arrival si Andres habang si Itable naman ay patuloy na nagpapagaling sa pagamutan.
Parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan at tinatayang may hindi pa natutukoy na halaga ng danyos. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente.











