Nasawi ang isang 55 anyos na lalaki matapos maaksidente sa isang head-on collision sa pagitan ng kanyang minamanehong motorsiklo at isang trailer truck sa Purok 1, Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Kinilala ang biktima sa Alyas “Joey”, isang karpintero at residente ng Barangay Población, Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon sa imbestigasyon ng Cordon Municipal Police Station, binabagtas ng biktima ang pambansang kalsada patungo sa Cordon Proper habang kasalubong naman nitong trailer truck ay patungong Metro Manila.
Minamaneho ang trailer truck ni Alyas “Johnny”, 32 anyos, kasama ang pahinante nitong si Alyas “Bon”, 21 anyos, kaparehong residente ng Angadanan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Federico Tulay, ang deputy chief of police ng Cordon Munisipal Police Station, sinabi niyang lumabas sa imbestigasyon na habang nagmamaneho ang biktima, nahulog ang kanyang tsinelas dahilan upang mawala ang kontrol niya sa manibela at mapunta sa linya ng kasalubong na truck.
Dahil dito, nagresulta ito sa head-on collision na ikinasawi ng rider. Agad siyang isinugod sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival. Samantala, hindi naman nasugatan ang driver at pahinante ng trailer truck.
Inihanda ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso, subalit nauwi sa amicable settlement matapos magkasundo ang magkabilang panig. Habang nagpaabot naman ng tulong ang may-ari at driver ng trailer truck sa pamilya ng biktima.











