--Ads--

Umaani ng pansin online ang isang 25-anyos na content creator matapos siyang bansagang “human 3D printer” dahil sa kanyang pambihirang talento na pag-ukit ng mga detalyadong sculpture mula sa carrots gamit lamang ang kanyang mga ngipin.

Kinilala ang babae na si Chen Qin. Wala siyang ginagamit na anumang kutsilyo o kagamitan sa pag-ukit, kaya siya na rin marahil ang kaisa-isang “tooth carver” sa mundo. Ayon kay Chen, aksidente lamang niya itong nadiskubre noong nakaraang Spring Festival nang subukan niyang kagatin at hulmahin ang isang carrot habang naka-livestream.

Dahil pumatok sa mga manonood, ipinagpatuloy niya ito at nakabuo na ng higit 100 artworks. Kabilang sa kanyang mga pinakasikat na obra ay ang mini replica ng Great Wall of China at Yellow Crane Tower, na nagtataglay pa ng mga detalyadong tore at pader.

Upang maprotektahan ang kanyang mga ngipin mula sa pagkasira at pangingilo, umiiwas siya sa matatamis at carbonated drinks, at palaging nagsisipilyo at nagmumumog matapos mag-ukit. Nilinaw din niya sa mga bumabatikos na inaalagaan niya ang kanyang kalusugan at walang nasasayang na pagkain sa kanyang artworks. Ginagamit niyang sangkap sa pagluluto ang kanyang mga sculpture matapos itong i-video, habang ang mga pinagkagat-kagatan at tirang piraso ay ipinapakain sa mga baboy at manok.

--Ads--