--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang lalaki matapos itong magtangkang magnakaw ng bangus sa palengke ng Cauayan City dahil kinulang sa pulutan.

Nagtamo ng sugat sa kamay ang lalaki matapos tagain ng partidor ng baboy na nakaakto sa kanyang nagnanakaw ng bangus sa pribadong pamilihan.

Ang suspek ay isang kwarenta anyos na lalaki at residente ng Brgy. Cabaruan Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek na itinago sa alyas na Jun-Jun, hindi niya alam ang kanyang ginagawa nang mangyari ang insidente dahil magdamag silang nag-inuman ng kanyang mga kaibigan.

--Ads--

Nang makauwi na ang kanyang mga nakainuman ay nagtungo siya sa pribadong pamilihan pang kumuha ng bangus na ilulutong pulutan.

Hindi naman niya inakala na nakita siya ng mga partidor na kumuyog sa kanya na naging dahilan ng pagkakataga sa kanyang kamay.

Sa ngayon ay nalapatan na ng lunas ang tinamong sugat ng suspek at kasalukuyan nang nakapiit sa lock-up cell ng Cauayan City Police Station.

Ayon naman sa may-ari ng tindahan na si Ginang Annaliza Impelido, wala pa sila sa tindahan nang mangyari ang insidente at itinawag lamang sa kanya ang nangyari.

Batay sa kuha ng CCTV camera ng tindahan nasa pitong piraso ng bangus ang kinuha ng suspek.