--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Bagabag Police Station ang isang lalaking nagtungo sa kanilang himpilan matapos malaman na ito ay may nakabinbing kaso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station sinabi niya na ang inaresto ay si Jerry Madriago, tatlumput tatlong taong gulang, may live-in partner at residente ng San Luis, Diadi, Nueva Vizcaya.

Aniya personal na nagtungo sa kanilang himpilan si Madriaga upang kumuha ng police clearance at napag-alaman ng mga pulis na siya ay may kinakaharap na kaso at mayroon nang warrant of arrest laban sa kanya na mula sa Cabagan Isabela.

Nahaharap ang akusado sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition at mayroong inirekomendang piyansa ang korte na nagkakahalaga ng P200,000.

--Ads--

Matapos ang beripikasyon ay agad na inaresto ang akusado at sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Bagabag Police Station at inihahanda na ang mga mahahalagang dokumento para siya ay mailipat sa kanyang court of origin.