--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa malubhang kalagayan ang isa sa dalawang hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo matapos makipaghabulan at makipagbarilan sa isang pulis na sumita sa kanya dahil sa kahina-hinalang kilos malapit sa bahay kainan sa barangay Tagaran, Cauayan City.

Nakapalitan ng putok ni PO1 Pedro Allam, kasapi ng Cauayan City Police Station ang mga suspek na sina Ronald Bautista at Ronaldo Gomez, kapwa residente ng barangay Tagaran, Cauayan City.

Inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ni P/Supt. Narciso Paragas, hepe ng Cauayan City Police Station, nasa harapan ng isang establishmento si PO1 Allam nang mapansin ang dalawang lalaking dumating sakay ang isang motorsiklo na tila nag-iikot at may hinahanap.

Makaraan ang ilang minuto ay sinakyan ni Bautista ang isang itim na Honda XRM 125 motorcycle na may plakang BA 20702 at nagawang mapaandar na walang susi.

--Ads--

Dahil dito tinawagan ng pansin ni PO1 Allam ang dalawang suspek subalit sa halip na makinig ay pinaputukan siya nina Bautista at Gomez.

Gumanti ng putok ang pulis at tinamaan ng bala sa dibdib si Baustista na dinala sa ospital.

Nasamsam kay Ronald Bautista ang isang baril at isang sling bag na naglalaman ng isang pakete ng hinihinalang shabu, isang lighter at iba pang kagamitan.

Ang motorsiklong tinangka nilang tangayin ay pag-aari ni John Philip Mallillin, 21 anyos, kasapi ng Public Order and Safety Division at residente ng District 3, Cauayan City.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing pangyayari pangunahin ang nabigong pagnanakaw ng motorsiklo ng mga suspek.