--Ads--

Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Isabela Highway Patrol Group at ng Philippine National Police, partikular ang Cauayan City Component Police Station at Ilagan City Component Police Station, ang isang lalaking wanted sa kasong kidnapping sa ilalim ng Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Kidnapping Act of 2016, at robbery.

‎Kinilala ang suspek sa alyas na “Bry,” 19-anyos, singer, at residente ng Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela, sinabi niya na nakatanggap ng impormasyon ang kanilang tanggapan na ang nasabing suspek ay kasalukuyang nagbebenta ng mga street foods sa Ilagan City.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa Philippine National Police upang magsagawa ng operasyon na nagresulta pagkakaaresto ng suspek sa Barangay Alibagu, Ilagan City, Isabela.

‎Lumabas din sa imbestigasyon na matagal nang hinahanap ng mga awtoridad ang nasabing indibidwal kaugnay ng kasong kidnapping at robbery na isinampa laban sa kanya noong 2022 nang siya ay menor de edad pa lamang.

‎Dagdag pa ni PMaj. Bagayao, dati nang inilagay ang suspek sa kustodiya ng Bahay Pag-asa, subalit nakatakas ito at matagal na ring pinaghahanap ng mga awtoridad hanggang sa tuluyang madakip sa isinagawang operasyon.

‎Samantala, tiniyak ng HPG na wala namang dapat ikabahala ang publiko, dahil ayon sa kanilang monitoring ay walang naitalang insidente ng carnapping sa lalawigan ng Isabela batay sa kanilang kasalukuyang datos o monitoring.