Naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking iniuugnay sa pagkuha ng cellphone sa loob ng isang grocery store sa Barangay Maligaya, Cauayan City.
Ayon sa ulat, nawala ang isang cellphone na may nakasilid na ₱1,500 sa casing nito habang nasa loob ng establisyemento.
Agad na sinuri ng pamunuan ng grocery ang CCTV footage upang matukoy kung paano nawala ang gadget. Sa naturang video, nakita ang isang lalaki na umano’y kumuha ng cellphone na naiwan sa ibabaw ng counter.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Raymart Mallillin ng Barangay Maligaya, sinabi nito na nakatanggap siya ng tawag mula sa may-ari ng grocery na isa ring pulis at ipinakita sa kanya ang CCTV footage. Dahil dito, agad niyang nakilala ang lalaking nasa video.
Dahil sa impormasyong nakalap, agad na tinugis ang suspek at kalaunan ay natunton sa Villa Concepcion, Cauayan City kung saan ito naninirahan.
Batay sa salaysay ng suspek, matapos umano nitong makuha ang cellphone ay nagtungo ito sa Muslim Center sa poblacion at ipinagpalit ang naturang gadget sa ibang unit. Gayunman, agad ding nabawi ang cellphone matapos itong maaresto.
Ayon pa sa suspek, nagawa umano nito ang naturang insidente dahil sa kahirapan ng buhay.
Dinala naman ang suspek sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











