Isang lalaki ang sugatan matapos saksakin ng kanyang kainuman sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Ayon sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang residente bandang 6:47 ng umaga na nagsabing may naganap na insidente ng pananaksak sa Purok 1 ng nasabing barangay.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na nag-iinuman ang suspek kasama ang ilang kaibigan sa harap ng kanilang bahay nang mapadaan si alyas “Lando.”
Inaya umano ng suspek si Lando na makisalo sa inuman ngunit tumanggi ito, dahilan upang mainsulto ang suspek.
Dahil umano sa kalasingan, nagdilim ang paningin ng suspek at nagsimulang magbanta kay Lando. Narinig ito ng biktima at sinubukan naman umanong awatin ng mga kasamahan, ngunit naibaling ang galit ng suspek sa isa sa kaniyang kainuman.
Agad umanong pumasok sa bahay ang suspek, kumuha ng kitchen knife, at sinaksak sa kanang dibdib ang kainuman.
Dinala naman agad ang biktima sa Cauayan City District Hospital na kalaunan ay inilipat sa isang pribadong pagamutan kung saan siya patuloy na ginagamot, habang ang suspek ay dinala sa Cauayan Component City Police Station para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.











