--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang lalaki sa isang checkpoint matapos nitong tangayin ang isang motorsiklong nakaparada sa harapan ng isang bahay sa Brgy. Amistad, Alicia, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa mga kapulisan, nagtungo umano ang biktimang si Jaymark Alonzo sa himpilan ng pulisya upang humingi ng tulong sa pagtangay ng kawatan sa kanyang motorsiklo.

Lumalabas sa imbestigasyon na ipinarada ni Jaymark ang kanyang motor na Yamaha Mio Sporty sa harap ng kanilang bahay at naiwan ang susi sa motor.

Isang lalaki ang lumapit sa motor at agad itong tinangay.

--Ads--

Nakita naman ng isang bata ang suspek habang tinatangay ang motorsiklo na agad namang ipinagbigay alam kay Jaymark.

Dahil sa pangyayari ay agad na nagtungo si Jaymark sa pulisya upang hilingin sa mga kapulisan na magsagawa ng hot pursuit operation.

Bilang aksyon, agad namang iniutos ni PMaj. Eric Caesar Rumbaoa sa mga kapulisan na magsagawa ng checkpoint sa Alicia-San Mateo Road.

Dahil sa check point ay matagumpay na nahuli ang suspek na isang alyas Raf, dalawamput dalawang taong gulang, at naninirahan sa Barangay Rizal, Alicia, Isabela.

Agad itong dinala sa himpilan ng pulisya at mahaharap sa kasong motornapping.