Nagsagawa ng pagpupulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa Provincial Capitol upang planuhin at paghandaan ang Bambanti Festival 2025 na gaganapin sa ikalabing-siyam hanggang dalawamput lima ng Enero.
Tinalakay sa pulong na pinangunahan ni Vice Governor at Bambanti Festival 2025 Director General Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga itatampok na aktibidad, usaping pinansyal at seguridad para sa matagumpay na pagdaraos ng pinakamalaking piyesta sa lalawigan.
Ang Bambanti Festival ay isang linggong pagdiriwang na nilalahukan ng 34 na munisipalidad at 3 lungsod na bumubuo sa lalawigan ng Isabela. Kadalasang idinaraos ang naturang aktibidad tuwing ika-apat na linggo ng Enero sa bawat taon. Ang Bambanti ay isang salitang Ilokano na nangangahulugang “scarecrow”.
Ang pagdiriwang ay bilang pagbibigay pugay naman sa lahat ng lokal na magsasaka na masipag at matiyagang nagtatanim ng palay at mais upang mabuhay ang kanilang mga pamilya at makapagbigay ng bigas at pagkain sa komunidad.
Kasama naman sa mga kinagigiliwan at inaabangan tuwing ipinagdiriwang ang festival ay ang Bambanti Village: Agri-Ecotourism Exhibit and Sale; Search for Queen Isabela; Color Fun Run; Makan Ken Mainum; Street-Dance Parade Competition; Bambanti Musical Production; at Isabela Grand Concert Party.