--Ads--

Nagkaroon ng lava effusion ang Mayon Volcano na nagresulta sa pag-agos ng lava sa Basud, Bonga, at Misi sa lalawigan ng Albay sa loob ng nakalipas na 24 oras, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Iniulat din ng PHIVOLCS na nakapagtala ito ng apat na volcanic earthquake, 305 rockfall at pyroclastic density current signals, at crater glow na inilarawang “fair” o katamtaman.

Bukod dito, nagbuga ang bulkan ng tinatayang 3,891 tonelada ng sulfur dioxide kada araw noong Lunes, Pebrero 23, 2026. Napansin din ang natatakpang plume at ground deformation o pamamaga ng estruktura ng bulkan, na indikasyon ng pag-igting ng aktibidad nito.

Dahil dito, nananatili ang Alert Level 3 o intensified unrest at posibleng magmatic unrest sa Mayon Volcano.

--Ads--

Mahigpit na ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa loob ng 6-kilometers Permanent Danger Zone (PDZ), gayundin ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan.

Kabilang sa mga posibleng panganib ang pagguho ng bato, landslide o avalanche, pagtilamsik ng mga tipak ng bato (ballistic fragments), pagdaloy at pagbuga ng lava, pyroclastic density currents, katamtamang lakas ng pagsabog, at lahar lalo na kung magkakaroon ng malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.