Sinang-ayunan ng isang abogado ang hakbang ng prosecution team na hindi na ituloy ang tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte upang mas mapabilis ang paglilitis sa impeachment case.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Cayosa, Constitutional Law expert, sinabi niya na makabubuti ang naturang hakbang dahil masyado nang tumagal ang proseso, gayong layon ng Saligang Batas na maging mabilis at hindi maantala ang mga paglilitis sa impeachment.
Paliwanag niya, humaba ang proseso dahil sa dami ng mga dokumento at ebidensiyang kailangang talakayin, kabilang ang mga hindi napagkasunduang itakda bilang stipulated facts ng prosecution at depensa.
Batay sa kaniyang paliwanag, pinili ng prosecution team na ituon ang kanilang presentasyon ng ebidensiya sa alegasyon ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman, na sa kanilang pananaw ay may pinakamalinaw at pinakamabigat na ebidensiya.
Hindi na rin umano nila itutuloy ang iba pang alegasyon na may kaugnayan sa betrayal of public trust, paggamit ng confidential funds, at bribery o panunuhol umano sa mga undersecretary ng Department of Education.
Ayon kay Cayosa, karapatan ng prosecution na magpasya kung aling mga alegasyon ang kanilang itutuloy, at pinayagan naman ito ng impeachment court.
Dagdag pa niya, hindi kailangang mapatunayan ang lahat ng alegasyon upang magkaroon ng conviction sa impeachment. Sapat na, ayon sa kaniyang paliwanag, na mapatunayan ang isa sa mga grounds na maaaring maging batayan ng pagpapatalsik sa isang opisyal at disqualification nito sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, kung saan nabawasan ang bilang ng mga artikulong pinagbatayan ng paglilitis.
Umaasa naman si Cayosa na sa pagtutok ng prosecution sa natitirang alegasyon ng unexplained wealth ay mas mapapabilis ang proseso at masisimulan na ang presentasyon ng ebidensiya ng depensa.











