Ipinaliwanag ng isang law professor ang naging proseso ng Senado sa pagko-convene bilang impeachment court kaugnay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, sinabi nito na kinakailangang mag-convene muna ang Senado bilang impeachment court bago nito maaaring talakayin ang impeachment complaint na isinampa ng Kamara.
Ayon kay Atty. Arreola, bagamat pangunahing tungkulin ng Senado ang paggawa ng batas bilang bahagi ng Kongreso, may espesyal itong tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon bilang impeachment court.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit nagsuot muna ng robe ang mga senador at sumailalim sa oath-taking bago opisyal na simulan ang impeachment proceedings.
Ipinaliwanag din ni Atty. Arreola ang kahalagahan ng bilang ng boto sa impeachment trial kung saan kinakailangan ang two-thirds vote o 16 na senador upang ma-convict ang respondent.
Sinabi nito na kung kulang sa kinakailangang bilang ang boto pabor sa conviction ay hindi maipapatalsik sa puwesto ang respondent.
Pagdating naman sa mga senador na maaaring hindi makadalo sa mga pagdinig, sinabi ni Arreola na mahalagang makaboto ang mga senador dahil nakabatay sa kabuuang bilang ng boto ang magiging resulta ng impeachment trial.
Samantala, nilinaw rin nito na ang 10-araw na ibinibigay para sa pagsusumite ng sagot ng respondent ay karaniwang proseso at maaari lamang mapalawig kung may sapat na basehan at papayagan ng impeachment court.
Dagdag pa niya, inaasahan pang magtatagal ang buong impeachment proceedings dahil daraan pa ito sa pre-trial, pagsusumite ng pleadings at presentasyon ng mga ebidensya ng magkabilang panig.
Hinimok naman niya ang publiko na bantayang mabuti ang impeachment proceedings at suriing mabuti ang mga ebidensyang ihaharap ng prosecution at depensa bago bumuo ng sariling pananaw sa usapin.










