--Ads--

Mas dumarami ngayon ang nagpapareserba ng lechon kumpara sa mga walk-in customers, ayon sa mga nagtitinda, ilang linggo bago sumapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon sa Cauayan City.

‎Ayon kay Kuya Carlo Cruz, asawa ng anak ng may-ari ng isang tindahan ng lechon sa lungsod, nagsimula nang dumagsa ang reservation pa lamang noong Nobyembre para sa mga orders mula December 25 hanggang January 1.

‎Karaniwan umanong nagka-cut off ang reservation bago mag-Pasko, dahilan upang mas maagang magpareserba ang mga customers.

‎Sinabi ni Cruz na bagama’t patuloy ang pagdami ng orders, wala umanong itinakdang limitasyon ang bilang ng order kada araw dahil tuloy-tuloy naman ang suplay ng baboy.

‎Gayunman, nakadepende pa rin aniya ang dami ng nalulutong lechon sa kakayahan ng manpower, kung saan nasa humigit-kumulang 50 lechon ang naluluto kada araw, na tumatagal ng tatlong oras bawat batch.

‎May kaunting presyo ring adjustment sa lechon, ngunit tiniyak ni Cruz na minimal lamang ito upang manatiling abot-kaya para sa kanilang mga suki.

‎Mula sa dati nitong presyo ay ilang daang piso lamang ang idinaragdag. Ang pinakamurang lechon ay nasa halagang P9,000 para sa small size, habang may mga available ding mas malalaking sukat hanggang jumbo.

‎Karamihan sa mga suki ay tumatawag na nang mas maaga para magpareserba, samantalang ang walk-in customers ay personal na pumupunta sa tindahan.

‎Ayon kay Cruz, umaabot sa lima hanggang sampung reservation kada araw ang kanilang natatanggap, karamihan ay mula rin sa loob ng Cauayan City.

‎Dahil sa dagsa ng orders, sinabi ni Cruz na kaya nilang i-accommodate ang kabuuang 300 hanggang 400 na lechon na orders sa buong holiday season, bagay na kanilang inaasahan taun-taon tuwing papalapit ang Pasko at Bagong Taon.