--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang geodetic engineer at empleyado ng gobyerno matapos makita sa kanyang tahanan ang ilang sachet ng iligal na droga at isang baril sa isinagawang search warrant sa Brgy. Bantay, Paracelis, Mountain Province.

Ang nahuli ay si George Muyot, geodetic engineer, kawani ng LGU Paracelis engineering office, at itinuturing na High Value Individual ng pulisya.

Nakuha sa kanyang pag-iingat ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga nang humigit kumulang 90,000 pesos at isang caliber 22 pistol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Alvaro Secligen, Chief of Police ng Paracelis Municipal Police Station, kanyang sinabi na bago isinagawa ang operasyon ay matagal muna nilang minanmanan ang suspek at nagmula umano ang impormasyon sa mga residente sa lugar.

--Ads--

Aniya naging mapayapa naman ang operasyon na sinaksihan ng Bombo Radyo Cauayan Team at sa ngayon ay inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pinaghihinalaan.