Ikinatuwa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang matagumpay na tigil-pasada na isinagawa noong Marso 26 at 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PISTON president Mody Floranda, sinabi niya na libu-libong miyembro ng iba’t ibang transport groups ang lumahok sa kilos-protesta, dahilan upang maantala at ma-paralisa ang ilang ruta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang dito ang mga buses, UV express, at transport network vehicle services (TNVS).
Ayon kay Floranda, isinagawa ang tigil-pasada bilang bahagi ng kanilang panawagan sa pamahalaan na tuluyang tanggalin ang fuel excise tax at magbigay ng dagdag na ayuda sa mga drivers at operator na labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, na pinalala pa ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Nagbabala rin ang PISTON na magkakaroon ng karagdagang kilos-protesta hangga’t hindi naibabasura o nababago ang mga batas at polisiya na nagpapahirap sa sektor ng pampublikong transportasyon. Pinayuhan nila ang publiko na makiisa sa kanilang panawagan ngunit nananatiling payapa at maayos ang kanilang pagtigil-pasada.










