Libo-libong residente ang napilitang lumikas matapos magdulot ng matinding pagbaha ang malakas na ulan sa hilagang bahagi ng Honolulu, Hawaii.
Nalubog sa putik ang mga kalsada, tinangay ang ilang bahay at sasakyan, at nagbabala ang mga opisyal sa posibleng pagguho ng mahigit 120-taong gulang na Wahiawa Dam.
Umingay ang emergency sirens sa North Shore ng Oahu at agad na pinayuhan ang mga residente na lumikas mula sa mga lugar na nasa ibaba ng dam.
Wala pang naitatalang nasawi, ngunit patuloy ang rescue operations para sa mga na-stranded.
Naglabas din ng evacuation advisory sa ilang bahagi ng Lahaina, Maui dahil sa pag-apaw ng retention basins. Samantala, na-activate na ang Hawaii National Guard upang tumulong sa operasyon.
Ayon sa mga awtoridad, umaabot na sa dibdib ang baha sa ilang lugar, habang nakataas ang flash flood warning sa hilagang Oahu, partikular sa Haleiwa at Waialua. Umabot sa hanggang 12 pulgada ng ulan ang naitala sa magdamag, habang mas mataas pa sa mga kabundukan.
Ang sunod-sunod na pag-ulan ay dulot ng tinatawag na “Kona lows,” na nagdadala ng matinding ulan at pagbaha sa mga isla.
Mahigit 4,000 residente ang apektado ng evacuation order, habang patuloy ang pagbabantay sa dam na itinuturing na may mataas na panganib sakaling bumigay.











