Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations sa Central Texas matapos kumpirmahin ng mga awtoridad na umabot na sa 32 katao ang nasawi, kabilang ang siyam na bata, bunsod ng matinding pagbaha dulot ng walang tigil na ulan.
Isa sa mga matinding naapektuhan ay ang isang summer camp sa tabing-ilog kung saan higit dalawang dosenang kabataan mula sa isang girls’ camp ang patuloy na pinaghahanap ng mga rescuer matapos tangayin ng rumaragasang tubig ang kanilang kampo.
Nagmula ang mapaminsalang pagbaha sa Guadalupe River sa Texas Hill Country, kung saan tumaas ang tubig ng hanggang 26 feet halos walong metro sa loob lamang ng 45 minuto madaling araw nitong Biyernes.
Maraming bahay at sasakyan ang tinangay ng agos, at marami pa ring lugar ang binabayo ng walang humpay na ulan.
Ayon kay Dalton Rice, city manager ng Kerrville, 27 katao mula sa Camp Mystic, isang Christian summer camp na matatagpuan sa tabi ng ilog, ang patuloy na nawawala. May ilan pa ring hindi pa natutukoy ang kinaroroonan sa iba’t ibang bahagi ng lugar.
Nagpapatuloy ang babala ng flash floods sa maraming bahagi ng Central Texas habang hindi pa natatapos ang masamang panahon.