--Ads--

Muling magsasagawa ng libreng serbisyo para sa mga senior citizen ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa lungsod ngayong darating na buwan ng Marso.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Antonio Carrion, officer in charge ng OSCA, dalawang beses kada taon isinasagawa ang naturang programa na naglalayong magbigay ng libreng gupit, manicure, pedicure, at masahe para sa mga nakatatanda sa lungsod.

‎Sinabi ng opisyal ng OSCA na naging maayos ang mga nakaraang pagsasagawa ng aktibidad, subalit hindi ito maaaring idaos buwan-buwan dahil kinakailangan ng sapat na pondo para sa implementasyon nito.

‎Ipinaliwanag din na ang OSCA ay direktang nasa ilalim ng tanggapan ng alkalde ng lungsod, kaya ang mga panukalang budget para sa programa ay dumadaan sa pag-apruba ng City Mayor bago ito maisakatuparan.

‎Inaasahan ng tanggapan na matutuloy ang nakatakdang aktibidad sa Marso bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay-serbisyo at pagkilala sa kapakanan ng mga senior citizen sa Santiago City.