CAUAYAN CITY – Mahigit 400 piraso ng nilagareng kahoy na mayroong iba’t ibang sukat ang nasabat sa isinagawang anti-criminality checkpoint ng mga kasapi ng Jones Police Station.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan nagsasagawa ng checkpoint ang Jones Police Station nang pinigil nila ang isang 10-wheeler truck na naglalaman ng 447 piraso ng nilagareng G-melina na mayroong sukat na mahigit 9,000 board feet.
Ang mga nilagareng kahoy ay pagmamay-ari ni Teresita Balungay, residente ng Diego Silang, Diffun, Quirino.
Nadakip ang mga sakay ng ten-wheeler Truck na sina Richard Padua, 30 anyos; Love Bryan Pascua, 26 anyos na kapwa residente ng Santiago City at Nelmar Capulong, 25 anyos na residente ng Angdanan, Isabela .
Mayroon namang ipinakitang dokumento o papeles ng mga nilagareng kahoy ang mga suspek na galing sa bayan ng Jones at ibibiyahe sa bayan ng Cordon, Isabela ngunit dahil sa kakulangan ng papeles ay sinampahan pa rin sila ng kasong paglabag sa Presidential Decree 705 (anti illegal logging law).
Ang mga suspek ay dinala sa himpilan ng pulisya maging ang sasakyang naglalaman ng mga mga pinutol na kahoy.




