--Ads--

Libu-libong mamamayan sa Indonesia ang nagprotesta matapos mabunyag na tumatanggap ang mga mambabatas ng buwanang housing allowance na umaabot hanggang 50 milyong rupiah (katumbas ng humigit-kumulang 3,000–5,000 dollars).

Nag-ugat ang galit ng publiko dahil halos sampung beses na mas mataas ang naturang allowance kumpara sa minimum wage sa Jakarta, habang marami ang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng pagkain at pagkawala ng trabaho. Para sa mga nagpoprotesta, malinaw na namumuhay nang marangya ang mga lider samantalang patuloy na nagdurusa ang karaniwang mamamayan.

Ikinumpara rin ang sitwasyon sa Liberia, isa sa pinakamahihirap na bansa sa mundo, kung saan sinasabing kumikita ang mga mambabatas ng 8,000 hanggang 10,000 dolyar bawat buwan, malayong-malayo sa kita ng ordinaryong Liberian.

Inanunsyo naman ni Pangulong Prabowo Subianto ang pagkansela ng housing allowance at mga biyahe sa ibang bansa ng mga mambabatas. Gayunpaman, iginiit ng mga nagpoprotesta na kinakailangan pa ng mas malalim na reporma upang mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay at mapanagot ang mga politiko.

--Ads--