--Ads--

Pitong katao ang nasawi at 82 ang nawawala matapos ang pagguho ng lupa sa West Bandung, West Java, Indonesia, ayon sa Disaster Mitigation Agency ng bansa. Patuloy ang search and rescue operations habang inaalam pa ang kabuuang bilang ng mga biktima.

Ayon sa ulat, naganap ang landslide sa Pasirlangu bandang alas-2 kaninang madaling-araw, Enero 24, matapos rumagasa ang putik at tubig mula sa Mount Burangrang at tumama sa humigit-kumulang 30 bahay. Ilang araw nang nakaranas ng malalakas na ulan ang lugar, dahilan upang ipag-utos ng mga awtoridad ang paglikas sa mga lugar na delikado sa landslide.

Nagbabala rin ang weather agency ng Indonesia sa patuloy na matinding pag-ulan sa West Java. Samantala, binaha rin ang ilang bahagi ng lalawigan at East Jakarta matapos umapaw ang mga ilog, na nagpilit sa daan-daang residente na lumikas.

Ang insidente ay kasunod ng mga nakaraang landslide at pagbaha na kumitil sa mahigit 1,170 buhay sa iba’t ibang lalawigan ng Indonesia, habang patuloy na iniuugnay ang tumitinding sakuna sa pagkasira ng kalikasan at climate change.

--Ads--