--Ads--

CAUAYAN CITY- Mahigit 2,000 manok ang namatay sa isang poultry farm sa Casalatan, Cauayan City.

Kaugnay nito ay pinawi ng City Veterinary Office ang pangamba sa nangyaring pagkamatay ng libu-libong manok.

Inihayag ni Dr. Ronald Dalauidao, City Veterinarian na magsasagawa sila ng hiwalay na pagsisiyasat upang malaman kung ano ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng mahigit sa 2,000 manok sa nasabing barangay.

Sa paunang impormasyon na kanilang nakalap, namatay ang mga manok makaraang magkaroon ng brownout sa mga nagdaang araw sa nasabing lugar at nang gamitin sana ang generator set ay nagkaroon ito ng problema.

--Ads--

Ayon kay Dr. Dalauidao tunnel ventilation ang set-up poultry farm at kapag hindi umano napagana ang aircon nito ay tiyak na marami ang mamamatay kahit ilang minuto pa lamang ang nakakalipas dahil sa heatstroke

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Angelo Ramirez, pinuno ng Rural Health Unit ( RHU ) 2, sinabi niya na heatstroke ang ikinamatay ng mga manok batay sa pahayag sa kanya ng namamahala ng farm na si G. Benjie Balauag.

Pinayuhan ang namamahala sa farm na ibaon sa lupa ang mga namatay na manok at mag dis-infectant sa nasabing poultry farm.