Nagtutulungan na ang Incident Management Team at Department of Science and Technology o DOST para sa pagkuha ng mga makabagong teknolohiya na magamit sa paghahanap sa nawawalang Cessna 206 Plane.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Atty. Constante Foronda na siya ring head ng Incident Management Team na gumagawa na sila ng pamamaraan upang makahanap ng karagdagang makabagong kagamitan matapos napag-alaman na hindi nila magagamit ang LiDAR o light detection and ranging ng DOST dahil hindi kayang i-eye-scan ang area ng kabundukan kung maulap.
Aniya, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa DOST upang makakuha ng kagamitang kayang maka-penetrate sa kabundukan kahit pa maulap ang papawirin.
Isa sa tinitingnan nila ngayon ay kung available na ang Focal Defuse Tomography sa bansa.
Ang bagay na ito ay maaaring gagalugad sa masukal na kabundukan maging sa mga area na makakapal ang ulap at makakakuha ng High-Definition Images.
Hindi naman nawawalan ng pag-asa ang Incident Management Team maging ang Philippine Airforce na buhay pa ang mga pasahero at piloto ng nawawalang Cessna 206 Plane.
Ngayong araw ay magpapadala sila ng mga supply na galing sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na magiging pagkain ng mga nagsasagawa ng ground search.
Magpapadala naman ng karagdang pwersa ng Special Action Force ngayong araw na galing sa Metro Manila at Benguet para maghanap sa mga area kung saan posibleng kinaroroonanan ng Cessna 206 Plane.