--Ads--

CAUAYAN CITY – Gagamitin na ang Light Detection and Ranging Technology o LiDAR mula sa Department of Science and Technology o DOST ng mga nagsasagawa search and rescue operation sa nawawalang cessna plane.

Inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Atty. Constante Foronda na siya ring head ng Incident Management Team na ang LiDAR ay maaring gamitin sa search and rescue operations dahil maaring magsilbing Light Detector at maari nitong ma-scan ang kinaroroonan ng nawawalang eroplano kahit pa maulap at madahon ang mga kahoy sa kagubatan.

Ang problema lamang ay ang paglipad ng mga choopers na hindi kakayanin kapag masama ang lagay ng panahon.

Sinabi pa ni Atty. Foronda na may binili na rin silang camera na kayang mai-record ang mga pangyayari habang lumilipad ang mga choppers para maaring i-review ang mga area na dadaanan ng mga aerial search team.

--Ads--

Idinagdag pa ni Atty. Foranda may isang Australian National na nagmamay-ari ng isang resort sa Maconacon, Isabela ang nag-volunteer na ipagamit ang kanyang mga speed boats para magamit sa gagawing water search.

Mayroon na ring darating na labindalawang Special Action Force o SAF na galing sa Lunsod ng Baguio upang tumulong sa ground search.

Ang mga SAF Members ay magtutungo sa 20 kilometers Radius at tatahakin ang  Ilagan-San Mariano-Divilacan Road.

Pahirapan pa rin ang paghahanap sa nawawalang Cessna 206 Plane ng Aerial Search Team kahapon.

Inihayag ni Atty. Foronda na kahapon ay nakapagpalipad lamang ng isang beses ang Philippine Air Force ngunit hindi nagtagal dahil sa masamang lagay ng panahon sa lugar.

Pinulong na rin ni Mayor Angelo Bernardo ng Palanan ang mga kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office upang tumulong sa paghahanap ng nawawalang Cessna 206 plane.

Samantala, Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Captain Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division, Philippine Army na hindi tumitigil ang Incident Management Team sa paghahanap sa nawawalang eroplano.

Aniya, batay sa kuha ng naunang drone na pinalipad sa nabanggit na lugar ay maulap kaya hinihintay ang iba pang footages na kuha sa hinihinalang kinaroroonan ng cessna Plane.