CAUAYAN CITY – Sinisi ng isang local transport group sa Isabela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB ) sa hindi pagbibigay ng special permit sa mga maliliit na bus kaya sa mga nakaraang araw ay nagkaroon ng overloading dahil sa sobrang dami ng mga pasahero.
Ang pahayag ni Northern Luzon Transport Cooperative Chairman Daniel Gaffud ay kaugnay ng pagkahulog sa bangin sa Carranglan, Nueva Ecija ng sinasabing overloaded na Leomarick bus.
Ang trahedya ay ikinasawi ng 33 tao at ikinasugat ng 44 na iba pang pasahero.
Mahigit limampung pasahero lang sana ang capacity ng mini-bus ngunit umabot sa 77 ang sakay nito nang mahulog sa bangin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni G. Gaffud, kung binigyan sana ng LTFRB ng special permit ang mga malilit na sasakyan ay nabawasan ang overloading ng mga pasahero.
Mabibigyan din ng pagkakataon ang mga bumibiyahe na piliin ang kanilang masasakyan at hindi sila magsisiksikan sa mga bus na regular na bumibiyahe.
Sinabi pa ni Gaffud na sa nakaraang Semana Santa na marami ang pasahero ay ang punong tanggapan ng LTFRB ang nagkaloob ng special permit sa mga bus na bumiyahe sa mga lalawigan.
Limitado ang kanilang biyahe kaya pagbalik ng mga pasahero sa Maynila ay hindi na sila kayang isakay ng mga regular na bumibiyaheng bus kaya unahan ang kanilang pagsakay.
Kahit puno na ang mga bus ay nagtiis silang nakatayo para lamang makarating sa kanilang destinasyon.




