Matagumpay na nadakip ng PNP Isabela ang isang lalaki na naitalang No. 8 Provincial Most Wanted Person sa kasong Qualified Rape sa Brgy. Binguang, San Pablo, Isabela.
Naaresto ang nasabing akusado ng pinagsanib na pwersa ng San Pablo Police Station, 2nd Platoon ng 1st IPMFC, 201st Maneuver Company ng RMFB2, PIT-Isabela at PIU-IPPO sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu noong January 30, 2025, sa RTC Branch 22 Cabagan, Isabela at walang inirekomendang piyansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-ar Olya-on, ang Hepe ng San Pablo Police Station sinabi niya na naganap ang umano’y pangagahasa sa menor de edad na biktima noong 2020 at naiulat lamang noong July 2024.
Sa pamamagitan ng kanilang WCPD ay naisampa ang kaso na nagresulta sa pagkakadakip ng akusado na mismong lolo ng limang taong gulang na biktima.
Aniya inabot ng ilang taon bago nagkaroon ng lakas ng loob ang biktima na makapagsumbong sa kaniyang mga magulang sa ginagawang kahalayan ng suspek na animnaput apat na taong gulang.
Umabot aniya sa punto na naghiwalay ang magulang ng bata kaya kinailangan nilang lumipat ng kaniyang Nanay sa Sta. Maria, Isabela habang naiwan ang suspek sa Bayan ng San Pablo.
Minsan umanong dumalaw ang akusado sa Sta. Maria, Isabela at doon napansin ng nanay ng biktima na natatakot ang bata sa kaniyang biyenan kaya nang tanungin ay inamin ng biktima ang kahalayang ginawa sa kaniya ng kaniyang Lolo.
Sa pakikipag-ungayan naman ng Pulisya sa akusado ay itinanggi nito ang paratang na panggagahasa laban sa kaniya, pinabulaanan rin niya na lasing siya nang maganap ang krimen.
Batay sa ginawa nilang background check walang anumang record ang akusado sa Barangay maging sa PNP at ang trabaho lamang nito ay ang paggawa ng mga sapatos.