--Ads--

Nasawi ang isang 74-anyos na lolo matapos matupok ng apoy ang kanilang tahanan sa Sitio Mekdew, Pinayag, Kayapa, Nueva Vizcaya, noong Linggo ng gabi, March 22.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection Kayapa (BFP), nalaman lamang nila ang sunog kahapon, March 23, dahil sa liblib na lokasyon ng bahay. Aabot sa isa’t kalahating oras ang biyahe mula sa sentro ng Kayapa at isang oras pa ang lakarin patungo sa lugar ng insidente.

Batay sa imbestigasyon ng Philippine National Police Kayapa at BFP Kayapa sa pamumuno ni SFO3 Conrado Tugade, Municipal Fire Marshall, nagsimula ang sunog bandang alas-11 ng gabi sa kusina ng mag-asawa.

Ayon kay SFO3 Tugade, nang mapansin ng misis ang apoy sa kusina, inilabas niya ang kanyang asawa ngunit bumalik ang lalaki sa kusina kung saan siya natrap at nasuffocate, at hindi na nailabas ng kanyang misis.

--Ads--

Ayon sa ulat, hindi nakakalakad ang lolo ngunit gumapang siya sa loob ng nasusunog na bahay. Mahina rin ang pangangatawan ng kanyang misis kaya’t wala rin itong nagawa kundi hintayin ang umaga bago makapunta sa kapitbahay.

Mag-isa lamang sa bahay ang mag-asawa, at malayo ang mga kapitbahay kaya’t walang nakapagresponde sa oras ng insidente.

Ang bahay ay yari sa kahoy at yero, at ang pinakamalapit na kapitbahay ay nasa kalahating kilometro ang layo.

Nagpaalala ang BFP sa publiko, lalo na sa mga gumagamit ng kahoy sa pagluluto, na tiyaking malayo ang mga stock ng kahoy at dingding upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng apoy.