--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lolo sa banggaan ng tricycle at kotse sa Bypass Road, Purok 6, Barangay Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sangkot sa insidente ang isang tricycle na minamaneho ni Manuel, 72 taong gulang, residente ng Vista Alegre, Bayombong, at isang puting Suzuki Dzire na minamaneho ni Roxane, 40 taong gulang, isang nurse at residente rin ng nasabing lugar.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, binabaybay ng tricycle ang kalsada mula hilaga patungong timog, ang kotse naman ay patungong hilaga. Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente, partikular malapit sa Lumauig’s Eatery, pumasok umano ang kotse sa linya ng tricycle dahilan ng malakas na salpukan.

Dahil sa insidente, nagtamo ng malubhang pinsala si Manuel at agad na isinugod sa R2TMC Hospital, subalit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

--Ads--

Samantala, agad namang dinala ng mga rumespondeng pulis ang driver ng kotse sa Bayombong Police Station para sa masusing imbestigasyon.