CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang barangay kagawad makaraang pagtatagain ng kanyang apo sa barangay Buyon, Cauayan City.
Ang biktima ay si Barangay Kagawad Oliver Laurete, 62 anyos, balo habang ang suspek ay ang kanyang apo na si Jojo Salvattiera, 28 anyos, may-asawa, magsasaka at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang pananaga ng suspek sa kanyang lolo habang nakikipag-inuman si Laurete sa kanyang mga kaibigan.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-lolo sa di mabatid na kadahilanan hanggang sa isampal ni Laurete ang kanilang pulutan sa mukha ng apo.
Umuwi ng bahay si Salvattiera at sa kanyang pagbalik ay mayroong nang dalang itak na kanyang itinaga ng 7 beses sa ulo ang kanyang lolo.
Agad na dinala sa pagamutan ang biktima habang ang suspek at ginamit na itak ay dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon kay Salvattiera nagsisisi siya sa pananaga sa kanyang lolo at kanya umanong nagawa ito dahil lamang sa kalasingan.