Patuloy na nakakapekto ang Low Pressure Area (LPA) sa lagay ng panahon sa bansa na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, ang trough o extensions ng LPA ang magdudulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Visayas, Mindanao, Bicol Region, Laguna, at Marinduque sa loob ng susunod na 24 oras.
Samantala, Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin, na may posibilidad ng mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng flash flood at landslide, lalo na kung makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan at matinding pagkidlat-pagkulog.
Pasado alas-3 ng hapon nitong Biyernes, namataan ang LPA sa layong 965 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon.
Bagama’t nasa loob na ito ng PAR, sinabi ng PAGASA na mababa pa ang tsansa nitong maging isang tropical cyclone sa loob ng susunod na 24 oras.










