--Ads--

Ang Low Pressure Area (LPA) sa silangan ng Mindanao ay ganap nang naging Tropical Depression ngayong umaga at pinangalanang bagyong “Verbena”.

Ayon sa PAGASA, ang sentro ng bagyo ay namataan bandang 4:00 AM sa layong 330 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugso hanggang 55 kilometro kada oras, habang kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Dahil dito, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Kabilang sa mga lugar na apektado sa Luzon ang timog Occidental Mindoro, timog Oriental Mindoro, Romblon, at mainland Masbate.

--Ads--

Sa Visayas, sakop ang malaking bahagi ng Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, hilaga at gitna ng Cebu kabilang ang Cebu City, Mandaue, Lapu-Lapu, Bantayan at Camotes Islands, pati na rin ang Bohol, hilagang Negros Occidental at Negros Oriental, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, at Caluya Islands.

Sa Mindanao naman, kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands, hilagang Surigao del Sur, at hilagang Agusan del Norte.

Inaasahan na kikilos si Verbena pa-kanluran hilagang-kanluran at magla-landfall o dadaan malapit sa northeastern Mindanao ngayong tanghali o hapon bago tumawid sa Visayas at hilagang bahagi ng Palawan mula ngayong araw hanggang Nobyembre 26.

Pagkatapos nito, lalabas ito sa West Philippine Sea sa Miyerkules ng umaga.

Posibleng bahagyang lumakas si Verbena bago tumama sa Mindanao ngunit inaasahang tatawid sa kalupaan bilang isang Tropical Depression. Paglabas nito sa West Philippine Sea, inaasahan namang lalakas pa ito at magiging Tropical Storm.

Dahil sa mga kaganapang ito, mahigpit na pinapayuhan ang publiko at mga disaster risk reduction offices na magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.

Samantala, Sa Metro Manila, CALABARZON, Aurora, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Cagayan, Isabela, Quirino, Camarines Norte at Camarines Sur, magiging maulap ang papawirin na may mga pag-ulan at pulupulong pagkidlat-pagkulog dulot ng Shear Line.

Sa natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, natitirang bahagi ng Cagayan Valley, natitirang bahagi ng Central Luzon at Ilocos Region, asahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa umiiral na Northeast Monsoon.