--Ads--

Umaasa ang Land Transportation Office (LTO) Cauayan na magiging mas disiplinado at responsable sa mga kalsada ang mga motorista ngayong 2025, kasunod ng sunud-sunod na pagkansela ng lisensya ng mga drayber ngayong taon.

Matatandaang huling nirevoke o tuluyang kinansela ang lisensya ng isang ama na pinagmaneho ang menor de edad na anak dito sa Isabela.

Ilan sa mga paglabag sa batas trapiko na naitala, ang pagmamaneho habang nakainom ng alak, iligal na pagkuha ng lisensya, at iba pang seryosong paglabag na nakita sa viral videos at report ng publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LTO Cauayan Head Deo Salud, sinabi niya na ang layunin ng mga aksyong ito ay hindi lamang patawan ng parusa ang mga lumalabag, kundi turuan at paigtingin ang disiplina ng mga motorista upang mas ligtas ang mga lansangan.

--Ads--

Ayon pa sa opisyal, umaasa sila na sa bagong taon, mababawasan o maging zero ang mga kaso ng administrative actions tulad ng pagrevoke ng lisensya at mas magiging responsable at disiplinado na ang mga nagmamaneho.

Aniya, ang pagrevoke ng lisensya ay hindi basta parusa kundi paalala na ang lisensya ay pribilehiyo, hindi karapatan, at dapat itong pahalagahan ng bawat drayber para sa kaligtasan ng lahat sa kalsada.

Ang hakbang aniya na ito ng LTO ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng road safety at enforcement upang mabawasan ang aksidente, protektahan ang buhay ng mga motorista at mga pedestrian, at itaguyod ang mas maayos na sistema ng trapiko sa bansa.