--Ads--

Sinimulan na ng Land Transportation Office Region 2 (LTO R02) ang kanilang OPLAN Semana Santa sa buong rehiyon bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Mahal na Araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Marjhon Deray ng LTO Roxas, sinabi niya na kahapon pa lamang ay pormal nang sinimulan ang operasyon kung saan naglatag sila ng mga assistance desk sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Layunin nitong agarang tumugon sa pangangailangan ng mga motorista, lalo na sa mga pangunahing lansangan na dinadaanan ng mga biyahero.

Aniya, magtatagal ang kanilang OPLAN hanggang sa April 5 upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo at tulong sa publiko sa buong panahon ng paggunita.

Samantala, nilinaw ng LTO na hindi sila magsasagawa ng panghuhuli hanggang sa pagtatapos ng Mahal na Araw. Gayunpaman, iginiit ng mga opisyal na hindi ito dapat gawing dahilan ng mga motorista upang balewalain ang mga batas trapiko.

--Ads--

Paalala ng ahensya, nananatiling mahalaga ang disiplina sa kalsada upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang ligtas na biyahe ng bawat isa ngayong Semana Santa.