Naka-full blast ang Luna Police Station (PNP Luna) sa nalalapit na Holiday season upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko, lalo na ngayong inaasahan ang pagdami ng mga aktibidad at mga debotong dumadalo sa Simbang Gabi.
Ayon kay PMAJ. Jonathan Ramos, Chief of Police ng PNP Luna, mas pinaigting ng kanilang hanay ang police visibility at pagbabantay sa mga simbahan upang maiwasan ang anumang insidente at masigurong maayos at ligtas ang pagsamba ng mga deboto.
Dagdag pa ni Ramos, maglalatag din ang PNP Luna ng dalawang assistance desk sa mga strategic na lugar—isa sa bypass road at isa naman sa national highway. Ang mga assistance desk na ito ay magsisilbing tulong para sa mga motorista at residente, pati na rin sa agarang pagtugon sa mga emergency at iba pang pangangailangan ng publiko.
Bahagi umano ito ng kanilang proactive security measures bilang paghahanda sa mas mataong mga lansangan at aktibidad ngayong Holiday season.
Nanawagan naman ang PNP Luna sa publiko na makipagtulungan, sumunod sa mga batas-trapiko at pangkaligtasan, at agad i-report sa kapulisan ang anumang kahina-hinalang gawain upang maging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa bayan ng Luna.











